Friday, November 28, 2014

Kagalingan Sa Paggawa



Mga Pagpapahalagang Makatutulong sa Pagpapaunlad ng Kakayahan

    Isang mahalagang salik sa pagkakamit ng pag-unlad ang paglinang
ng kahusayan sa paggawa. Kahusayan na makakamit lamang kung ang
bawat isa ay mulat sa katotohanang mahalagang tuklasin at paunlarin ang
talino at kakayahang angkin.
     Lahat ay pinagkalooban ng Diyos ng talino, iba’t iba nga lamang. Ang
pagkakaibang ito ang nagbibigay sa atin ng pagkakataong patingkarin ang
ating kakanyahan at natatanging talino.
     Ngunit hindi lahat ng tao ay nagpapahalaga sa mga handog na ito.
Sa halip na paunlarin ang mga ito, hinahayan na lamang nila itong manatiling
potensyal; kaya’t ang paggawa ay nagsisilbing pabigat sa kanila. Nagiging
pabigat ito dahil ang talino nila at kakayahan ay ayaw gamitin sa paggawa o
anumang makabuluhang paraan.
     Sa pagpapaunlad ng mga ito, mahalagang taglayin ng isang tao ang
mga pagpapahalagang makatutulong sa pagsasagawa niya ng layuning ito.
Halimbawa, kung sasanayin mo ang iyong sarili sa kaayusan at kalinisan sa
trabaho, hindi magiging mahirap sa iyo kung maging mataas ang
pamantayang ibigay ng iyong amo. Hindi ka na maninibago dahil nakasanayan mo na ang maging maayos. Kung lagi kang nasa takdang oras
kumilos, hindi ka mahihirapan kung mahigpit ang iyong opisina sa
pagpapatupad ng timeliness sa pagsusumite ng mga natapos na gawain
     Isang magandang halimbawa ang buhay ng Papa Juan Paulo II.
Noong kanyang kabataan ay mahilig siya sa teatro. Mahusay din siya sa
pagsulat. Bagaman hindi naging artista o propesyonal na manunulat, nagamit
at napaunlad niya ang talinong ito nang siya ay maging Papa ng Simabahang
Romano Katoliko. Ang kaalaman niya at hilig sa teatro ang naging daan
upang pahalagahan niya ang paggamit ng media bilang instrumento ng
paglalapit ng simbahan sa mga mananampalataya. Ang talino niya sa
pagsulat ay ginamit niya sa paggawa ng mga aklat at encyclical na nagsulong
sa mga paniniwala ng Simbahan.
     Nararapat rin na ikaw ay matiyaga at laging handang matuto.
Marami kang matututuhan sa pagmamasid sa mga taong mahusay
magtrabaho. Hindi lahat ng bagay ay matututuhan mo sa pagbabasa ng aklat.
May mga pamamaraan sa pagsasagawa ng gawin na matututuhan mo
lamang kung aktwal mong gagawin ang trabaho o sa pakikinig sa karanasan
ng iba. Mahalaga rin na bukas ang iyong isipan sa mga bagay na maaari
mong matutuhan. Nararapat na handa kang tanggapin ang puna ng iba kung
ito’y makatutulong sa pagpapabuti ng iyong kakayahan at kasanayan.
     Minsan lamang tayo daraanan sa daigdig na ito, sabi nga ng isang
awitin, kaya’t mahalagang pagbutihin na natin at gamitin ang talinong taglay
para sa pag-unlad natin at ng ating kapwa tungo sa ikapagkakamit ng kabutihang panlahat.





Source: http://www.e-turo.org/files/Module%2019.pdf




No comments:

Post a Comment